Nagsimula akong nagkahilig sa musika nang una kong marinig ang kantang minsan ng eraserheads 'di ko nga lang matandaan kung kailan ko narinig ang kantang iyon pero nasa first or second year ako. Third year ako, isa na akong dakilang tagahanga ng e'heads. Kaya naman kahit nagtitinda lang ako ng pandesal tuwing madaling araw iniipon ko ang mga perang nakokomisyon ko hanggang sa makabuo ng 120-150 pesos at pupunta sa Siyudad ng Angeles at bibili ng cassette tape ng e'heads. Nagkaroon ng album ang eraserheads na Aloha Milky Way at binili ko ito. Isa sa mga kantang nagustuhan ko sa album na ito ay ang Julie Tearjerky. Sa mga panahong iyon nakakapag gigitara na ako, kaya naman nang magkaroon ng battle of the bands sa school namin (SBHS - Sapang Bato High School) ay nagkaroon ako ng ideya na sumali. Binuo ko ang grupo kasama ang dalawa sa mga ka-batch ko at isa pang outsider. Tumugtog kami bilang intermission number, dahil may lalaban na para sa 3rd year. Nangangarap ako na makatugtog sa entablado lalo na sa entablado ng aming eskuwelahan. Ang sarap ng pakiramdam na pagkatapos ng tumutogtog na banda kami na ang tatawagin at may special treatment pa dahil intermission kami. At tinawag na nga ang pangalan namin. Iniisip ko na madali lang ang tumugtog sa entablado lalo na at ginagabi pa kami kakapraktis sa isang kanta lamang. Julie Tearjerky, yan ang maririnig sa bahay ng lola ng gitarista at bassist namin. Malalaki ang mga sponsor namin sa aming drumset dahil ang snare namin ay produkto ng shell at ang iba naman ay gawa sa caltex. Gawa sa gallon ng mga sikat na gasolinahan ang aming drumset. Sarap ng pakiramdam ng umaakyat sa entablado at sigawan ang mga kaklase mo na "Kaklase namin ang mga yan! oooooh!", "Idol! Galingan niyo!" at iba't-iba pang mga sigaw. May problema. Walang mic stand. Mang-gigitara ako at kakanta paano na ito? walang mic stand. Napilitan ang isa mga nag-oorganize na si Kim na hawakan na lamang ang mic habang ako'y kumakanta. Pinagpapawisan na ako ng malamig. Ako ang mag-iintro at intro na "Ting te te teng teng teng teng". Ganon ang dapat ang sound na lalabas sa gitara. Sa panahong iyon wala akong alam sa mga gadget sa panggigitara naka sindi ang distortion ng gitara kaya ang ingay at di ko naririnig ang intro ko, basta ang alam ko na naririnig iyon ng bassist at ang isa pang gitarista dahil bigla na lang silang pumasok. Kakanta na ako dahil sa aking pagbibilang doon ako dapat kumanta. "Julie tearjerky on the phone" Boink, sablay ang boses ko, dinig na dinig ng mga tao iyon. Ang lola ng gitarista at bassist namin na nasa harapan at sigaw ng sigaw bago kami nagsimula ngayon ay bigla na lamang siyang nawala sa gitna na para bang nagsisisi na naging apo niya pa ang dalawang bata na nasa entablado. Ang nanay kong nanonood at ang dalawa kong kapatid na kani-kanina lang ay nasa gilid ng entablado ngayon ay wala na. Ang mga kaklase kong nasa side ng faculty na harapan naman ng entablado ay isa isa na ring nagsi-alisan. Parang bagong taon din ang boses ko na sunod-sunod ang pagkakasablay, parang paputok na putok ng putok. Bawat segundo ay nagnanasa akong matapos na ang kanta pero ang tagal ng bawat segundo, parang isang minuto kada segundo, hindi, parang isang oras, hindi rin parang isang linggo, dahil nasa gitna na kami ng kanta nang bigla kong naramdaman na isang taon na akong nasa entablado. Ang tagal matapos ng kanta. Pinagtatawanan na kami. Sintunado ang boses ko, di kami sabay-sabay, ang layo ng tono ng bass sa gitara at ang layo ng palo ng drummer namin. Isa-isa kaming natapos. Una ako, at sunod-sunod na, samantalang ang orihinal na kanta ay dapat sabay-sabay ang pagtatapos. Hindi na kami nagpasalamat dahil wala namang pumalakpak at hindi naman dapat pasalamatan ang salitang "Booooo! Booooo!". Kanya-kanya na kami ng takbo, pero ni walang dumaan sa hagdanan ng entablado. Lahat kami ay nagsitalunan at wala ng usap-usap. Naiiyak ako. Ngunit di muna ako umiyak. Hinintay ko munang makarating ako sa bahay. Diretso ako sa kuwarto ng mga magulang ko at doon ko naramdaman ang sobrang kalungkutan, napaiyak ako. Napahiya nanaman ako. At oo NANAMAN! dahil madalas akong mapahiya. Ayaw ko ng mag-aral. Gusto ko ng mamatay. Buti na lang at biyernes ang araw na iyon. Walang pasok kinabukasan. Walang isyu na dapat pag-usapan. Wala ring magsasabi ng "Nice Performance!" na may halong pang-iinsulto. Pumasok pa rin ako ng Lunes. Balewala ang ginawa naming kahihiyan. Wala man lang naglakas ang loob na magsalita tungkol sa kahihiyang ginawa namin.
Hindi lang musika ang hilig ko mahilig din akong gumuhit. Madali akong asarin lalong lalo na kung tatawagin akong Dragon Ball. Malaking insulto sa akin ang tawagin akong Dragon Ball. Kung bakit ako pikon di ko rin alam. Tinawag akong Dragon Ball dahil sa talento ko ng paguhit ng Dragon Ball. Gumagawa ng sariling comics at sariling bersiyon ng Dragon Ball. May project kami noon na comics at ang mga character na ginamit ko ay mga character mula sa Dragon Ball. Mga notebook ko ay puno ng mga drawing ng Dragon Ball. At doon na nagsimula ang pagtawag nila sa akin ng Dragon Ball. Ginawang pamikon sa akin ng mga kalaban naming frat ang opening theme ng dragon ball. Kapag dadaan ako kunwari kinakanta nila "Get that dragon ball" banas na banas ako kapag ginagawa nila sa akin ang bagay na iyon. Ako ang founder ng Grupong MR.JADE nang mga panahong iyon. Grupo na binubuo ng mga kaibigan mula pa noong elementary.
No comments:
Post a Comment