Thursday, July 29, 2010

Tuesday, July 27, 2010

Friendship, Korean Town Street Fight

Kaninang breaktime(12PM 7/28/2010), lumabas ako para ideliver sana ang mga ID, napansin kong ang mga kasama ko sa trabaho at ilang mga magkakapitbahay ay nanonood ng sagutan ng isang U.S. Retired Marine na medyo nasa edad na rin at isang Pilipinong makapangyarihan ang apelyido habang inaalis nila ang humps. Ayon sa mga unang usisero, ang pinagmulan ng away ay ang mga humps, at sinabi rin nila na ang Pilipino ay pinalo niya sa likod si Amerikano gamit ang crowbar na ginagamit sa pag-alis niya ng humps, hindi man lang daw lumaban si Amerikano, at sinabi lang niya na "nakaka-isa kana!". Dahil sa sadyang walang magawa sa mga oras na iyon, lahat ay nanunuod sa away nila, karamihan ay Pilipino at dalawang Koreano. Mga 30meters ang layo ni Pilipino kay Amerikano, biglang tumakbo si Pilipino papunta kay Amerikano at nakapustura ito hawak ang maso na handang ihampas sa Amerikano. Gusto kong umawat at pigilan siya, pero mukhang mapanganib. Iniisip ko at sa palagay ko pati ang ibang mga nanunuod ay katapusan na sa Amerikano, pero nakatayo lang kami at nanunuod. Kitang-kita sa mga Koreano ang pagkadisappoint nila na wala man lang aawat kundi ang mga asawa mismo ng mga nag-aaway. Nakalapit si Pilipino kay Amerikano at ibinato ang hawak na maso, tumama sa tiyan ng Amerikano na parang hindi man lang nasaktan, umawat ang mga asawa nila at ipinakita lang ng Amerikano, sa pamamagitan ng kanyang daliri na, "ikalawang tama mo na yan sa akin". Hindi lumaban ang Amerikano, pinulot ni Pilipino ang maso. Dahil sa galit ko, sumigaw ako sa mga nanunuod na kasama ko na "Kapag sinaktan pa niya ang Amerikano ng isang beses, pagtulung-tulungan na natin siya, kawawa ang tao, di na nga lumalaban eh!" at tatlo ang nag-agree sa akin, hinihintay namin lumapit muli ang bastardong Pilipino para kami naman ang mananakit sa kanya, nguniti narinig niya yata ang sinabi ko kaya 'di na siya lumapit. Iniisip siguro ng Amerikano na kapag nilabanan niya ang Pilipino, pagtutulung-tulungan siya ng mga Pilipinong nakakasaksi, at iniisip naman ng Pilipino na kakampi kami sa kanya. Hindi! nagkakamali silang pareho, uminit ang ulo naming lahat sa ginawa ng Pilipino. Hindi gawain iyon ng isang matino ang isip na Pilipino, at hindi porke kapwa namin Pilipino ay kakampi na kami sa kanya. Ilang minuto pa at dumating na ang mga Phil-Kor na mga Van, mga Pulis na pumuprotekta sa mga Koreano dito sa Friendship. Lumapit kami ng dalawa kong kasamahan sa trabaho para kung magtanong man ng Witness sa nangyari, sasaksi kami laban sa Pilipinong pasikat. Kakampihan namin ang Biktima at ang nasaktan.


UPDATE:
3PM Breaktime ulit.
Lumapit sa amin ang Amerikano at sinabi niya na
"He hit me twice, not good" at sumagot ako, but if he hit you one more time, we'll beat him!". Napansin ng isa sa mga kasama ko na nakasilip pala si bastardong Pilipino kaya naman pinaringgan ko at sinabi ko sa Amerikano with max volume, "He's a son of a bitch!" sorry sa word, banas na banas lang ako. At nalaman pa namin na si Pilipino pa ang tumawag ng Pulis, ang kapal ng tarantado! - Tarantado ay hindi mura.

Wednesday, July 21, 2010

Sa palagay mo?

Kung mamamatay ka ngayon, sa palagay mo ba sa langit ang bagsak mo o sa impiyerno? Ano sa palagay mo ang katanggap tanggap para sa Diyos para ikaw ay papasukin sa kanyang kaharian? Pag-aralan mo ang buhay mo ngayon kung sa palagay mo ba ay katanggap tanggap ka sa kanya, gawing basehan ang bibliya at ang kanyang mga turo, pasado ka ba? may points ba sa Diyos ang maghapong pagbabad sa facebook, instead na nagbabasa ng bibliya o magdasal man lang? May point ba kay Jesus ang pagpapasikat sa mga social networking website, post ng post ng mga luho at mga nais sa buhay na wala man lang bahid ng pagiging maka-Diyos? Isipin mo ang buhay mo ngayon at ang buhay ng mga tunay na Kristiyano na nanalig sa ating Panginoong Jesus, May mga kristiyanong pinarusahan, pinahirapan at pinaslang ng dahil lamang sa kanilang paniniwala kay Kristo, ikaw gaano ka ka active sa ating Panginoong Diyos? Narito ka ba para mabuhay lamang at mamatay pagkatapos ng ilang taon, o narito ka para isagawa ang tunay mong layunin kung bakit ka nabuhay, at ito ay ang paglingkuran ang ating Diyos. Nabubuhay ka para mabuhay, nagtatrabaho ka para mabuhay, nabubuhay ka para magsaya. Nasaan ang Diyos sa buhay mo? Sapat na ba ang nagsisimba tuwing Linggo para makapasok sa kaharian ng Diyos? Sa palagay mo?

Thursday, July 15, 2010

Alaala ni Ondoy

Alaala ni Ondoy
12:28 PM 7/16/2010


Hanggang ngayon binabalot pa rin ng kalungkutan
Ang puso kong yumakap sa kahirapan
Kahirapang gawa ng kalikasan
Kalikasang sinira ng katauhan


Hindi ko kayo kinalimutan
Kayong mga nasawi at nasaktan
Ang Bagyong sumira ng inyong kabuhayan
Ang nagdulot sa akin ng matinding kalungkutan


Matindi man ang inyong pagsubok na dinaanan
Nasira man ang buong kabuhayan
Ito ang laging tatandahan
Buhay pa ang inyong kinabukasan


Punasan mo ang iyong luha
Magsimula ka muli sa wala
Itayo mo ang iyong bandila
Bandila ng isang taong tunay na dakila


12:44 PM 7/16/2010                                                                                                                                                                                              

Walang Pamagat


Tumawag ka para sunugin ako                                                                                                                
Inaliw mo naman ang mga demonyo
Lumusot ang patalim
sa bakal na damdamin
Nilunok ng kadiliman ang araw
Ang kadiliman mo ay nakakasilaw
Nabulag na sa katotohanan
Impiyerno’y di na matakasan
Ipinasok nanaman
Paborito niyang laruan
Binuksan na ang langit
Sumingit ang pangit
Umiyak ang langaw
Kabataan ay ninakaw
Nagsasayang magnanakaw
Pinatay na ang ilaw
Lumipad ang pag-asa
Iniwan ng umaasa
Nasunog niyang ligaya
Malapit ng maging pera

Wednesday, July 14, 2010

Pagasa

Pagasa
By chayd
8:43 AM 7/15/2010


Hindi ako nag-iisa, pero wala akong kasama                                                                                              
Nararamdaman ko siya, pero di ko nakikita.
Ang kanyang presensiya ang nagbigay ng pagasa
na ako'y bumangon at mabuhay ng masigla.


Hindi dapat siya itatwa
tayo rin ang kawawa
Bubuhos na ang luha
masusunog pa ang kaluluwa.


Sa tuwing siya ay kasama
Lumilipad ang diwa
Nalulunod sa tuwa
naglalaho ang luha


Hindi man siya nakikita, 
alam kong nandiyan lang siya
kaya 'wag mawalan ng pagasa
alam kong kasama mo rin siya


9:01 AM 7/15/2010
Notepad

Tuesday, July 13, 2010

Hindi ako nag-iisa, pero wala akong kasama


Mga professional sila dahil may professional na nagturo sa kanila, i can’t afford that. Wala akong sapat na pera para magpaturo sa mga professional photographers  at film maker, But I think yun ang susi para matuto ako, magsisimula akong matuto ng sarili kong paraan at ititigil ko na ang pangangarap, uumpisahan ko na para maging isang professional sa sarili kong paraan.  Oo, totoong sasabihin ng iba na dapat parin akong umattend sa mga film school at digital photography school para matutunan ang tamang proseso. Wala akong pera kaya magtitiyaga ako sa sarili kong proseso at sarili kong lason. Karamihan ng mga professional dito sa mundo ay may nagturo na isa ring professional na tinuruan din ng isa pang professional at sa pinakadulo ng mga professional na ito ay ang isang taong walang ibang nagturo kundi ang sarili niya at ang mga bagay bagay na nakapaligid sa kanya, siya ang MASTER ng lahat ng mga bagay na natutunan ng mga estudyante ng mga naging estudyante niya. At ako ang taong magiging MASTER ng pansarili kong konsepto sa photograpiya at pagawa ng mga pelikula. May camera ba ako na kagaya ng mga professional na nakikita ko sa facebook? Digital SLR? Wala, kailangan ko iyon pero di kaya ng bulsa, makakapagtiyaga ako sa dalawa kong digital camera na maari namang kumuha ng kuha ng mga mamahaling camera, hindi nga lang ganoon kaganda, pero nandoon ang konsepto at nandiyan naman ang adobe lightroom at photoshop. Ang daming mga lumang kuha dito sa mundo na analog pa ang ginamit na hindi kayang lampasan ng mga DIGITAL na bagay. Sa ngayon pangit pa ang mga kuha ko, nasa proseso pa ako ng pagtuturo sa aking sarili. Naniniwala rin ako na wala sa presyo ng camera ang isang magandang kuha, nasa kinukunan pa rin ito, nakakatulong ang quality ng camera pero ulit, nasa kinukunan pa rin iyan, ang actual na bagay o lugar na kinukunan natin ay iyon ang tunay na maganda, ang likha ng Diyos. Kung mababasa man ito ng buong tao sa mundo, maaring may isang milyong tao , hindi, isang bilyong tao ang ‘di sang-ayon sa sinasabi ko, pero wala akong pakialam, sariling paraan ko ito. Sa pagawa naman ng mga short movies at sa katagalan ay mga mahahabang pelikula na, may Video Cam ba ako na kagaya ng mga sikat na Film maker? Wala rin. Pero ang isa sa mga digicam ko ay kayang makapagrecord ng video na Widescreen HD Movie Clips at 16:9 aspec ratio (1280x720pixel) na may 30 frames per second,  pwedeng pwede na itong gamitin para ipanggawa ng pelikula. Pelikulang gawa sa digital camera, maaring nakakatawa, nakakatawa man, maari rin naman itong pumatok, ang iba nga sa ay kuha lang sa cellphone/web cam at i-uupload sa youtube, sikat na sila. Again, wala sa mahal ng equipment, nasa konsepto pa rin. Sina Moymoy Palaboy at Kuya Jobert, pumatok sa kanilang istilo, hindi sa ganda ng kanilang Video Cam. Sa pagsasaliksik ko kung may isang tao akong kagaya na handang magbuhus lang ng konting halaga para sa mga gagawing pelikula, nakita ko na may isang sikat na director na kahit papaano ay kapareho ko ng paniniwala, siya si Robert Rodriguez.  Hindi ko sinasabing pareho talaga kami, ngunit napansin kong ang mga itinuturo niya ay halos magkatulad sa mga paniniwala ko, halimbawa na lang ay ang paggamit ng mga bagay bagay sa aking paligid para sa aking gagawing pelikula, paggamit ng mga kaibigan, miyembro ng pamilya at kamag-anak bilang aking mga artista at pag-iwas sa pagsasayang ng malaking pera para sa pelikula, pagdidiskubre sa pansariling paraan sa paggawa ng iba’t-ibang bagay at pagtigil sa pangangarap at mag-umpisang gawin ang aking mga pangarap, pagamit sa iyong kapaligiran para makasulat ng mga scripts o ideya ng iyong gagawing pelikula.

Mga paborito kong sinabi niya na sadyang gawain ko na noon pa ay:
1.       Discover your own way of doing things
2.       Stop aspiring, start dong. 

Kagaya na lamang ng isinulat kong ito, maaring may bilyong tao riyan na magsabi mali ang paggamit ko ng paragraph, comma, tuldok at iba pa, well atleast naintindihan nila ang ibig kong sabihin. Hindi naman ibig sabihin na ayaw kong matutunan ang tamang pagsusulat. Pinag-aaralan ko pa.

Friday, July 9, 2010

Enjoying Lightroom and Photography


Kuha habang nakasabit sa jeep, pauwi galing ng trabaho

Wednesday, July 7, 2010

Kaya mo 'yan!


Napakapalad ko dahil hindi ibinigay sa akin ng Diyos ang isang pagsubok na maaring ikasuko ko at maaring magdulot ng isang matinding depresyon sa akin, at sa aking pamilya. Totoong hindi tayo binibigyan ng Diyos na isang pagsubok na hindi kaya ng kapasidad natin, ngunit may mga taong napapakatiwakal ng dahil sa mga pagsubok sa ating buhay. Lahat ng pagsubok na binibigay ng ating Diyos ay kaya nating malampasan, alam niya ang ating kapasidad, ngunit nasa atin na kung tututukan natin ang solusyon sa pagsubok na binibigay Niya. Mas tinututukan ng iba ang epekto ng pagsubok sa buhay nila kaya naman nauuwi sa pagpapatiwakal ang solusyon, at iyon ang maling solusyon. Isa ako sa mga taong laging tumitingin sa maliwanag na parte ng buhay, at laging iyon ang ginagawa kong gabay patungo sa mga solusyon sa aking mga problema, pero hindi ibig sabihin na hindi ako lumilingon sa madilim na bahagi ng aking buhay. Tinitignan ko ang madilim na bahagi, upang ito ay kamuhian at itakwil. Sinasabi ko sa sarili ko na habang nasa kadiliman ako, "Ayaw ko sa lugar o sitwasyon na ito, kailangan kong makatakas, kailangan kong makalaya". Ang unang hinahanap ko ay ang butas na nagbibigay ng liwanag sa kadiliman, at iyon ang simula ng aking paglaya, kung wala man akong makitang butas, ako mismo ang gagawa ng butas na aking hinahanap. Ang mga nagpapatiwakal ng dahil sa kadiliman, sila yung mga taong takot sa dilim at kahit na may makitang liwanag, iniisip pa rin nila na ang kadiliman ay mas malawak sa kaliwanagan, at iyon ang simula ng kanilang pagbagsak. Huwag yakapin ang kadiliman, tapusin ito sa pamamagitan ng liyab ng pagasa sa iyong dibdib, kung wala ng natitirang pagasa sa iyong dibdib sumigaw lang ng "Panginoon tulungan po ninyo ako sa pagsubok na ibinigay niyo, gabayan po ninyo ako!" Kahit gaano pa kalaki ang aking determinasyon sa buhay para makalaya sa lahat ng kadiliman sa aking buhay, ang nasa likod nito ay ang pagdarasal. Sa anumang pagsubok sa ating buhay, ang una at huling dapat gawin ay ang magdasal.

Maari ring gumamit ng mga taong kakilala mo bilang inspirasyon sa kanilang matagumpay na pakikipaglaban sa kadiliman ng buhay. Isipin kung gaano kalaki ng kadiliman mo at ikumpara sa laki ng kanyang kadiliman, kung mas malaki ang sa iyo, isipin mo na kapag nalampasan mo ito, maari kang lumapit sa kanya at ikuwento kung paano mo ito nalampasan para sa ikalalakas ng loob niya. Kung naman mas malaki ang hinaharap niyang kadiliman, magalak ka dahil pinipilit niya itong kayanin at kung kaya niya, kaya mo rin. Isa si kuya Boy sa mga naging inspirasyon ko sa mga problemang hinaharap ko sa buhay. Si kuya Boy ay may Psoriasis, malala na ito at sadyang nakakapanglambot kung ito ay iyong pagmamasdan. Kasama ko si kuya sa trabaho, ilang taon na rin niya itong tinitiis at patuloy ang kanyang paglaban. Iba't-iba na ang mga nasubukan niyang paraan para ito ay malunasan, sa kasamaang palad lalo pa itong lumala na siyang nagpahirap lalo sa kanya. Isang araw hindi siya pumasok dahil sa halos 'di na siya makatayo at pinapahirapan na siya ng husto ng kanyang sakit. Gayunpaman, pinilit niyang tumayo upang pumunta sa aming opisina upang ipaalam sa amin na hindi muna siya papasok at kung pwede siyang magfile sa SSS. Nagkuwento siya, nag-iisa na lang daw siya, ipinalayo niya sa asawa niya ang kanyang mga anak, hindi ko alam kung anong dahilan, pero sa palagay ko ayaw niyang masaksihan ng kanyang mga anak ang kanyang paghihirap at panghihina. Para daw siyang sinusunog at pinupunit ang kanyang balat tuwing gagalaw siya, minsan gusto na niyang mamatay, at kung may papatay man sa kanya ay ikatutuwa pa niya. Natural lang na minsan sa buhay ng isang taong nasa matinding paghihirap ay nagnanais na mamatay, pero hindi ibig sabihin na pagsuko na iyon, 'wag lang itong yayakapin dahil pagpapatiwakal ang kasunod nito. Si kuya Boy, hindi lamang Physical ang sakit na nadarama, kasama na ang mental, spiritual at emotion. Alam niya na kahit papaano ang mga malalapit sa buhay niya ay nandidiri pa rin sa kanya at alam niyang nasasaktan ang mga ito tuwing makikita siyang ganyan. Kung ano man ang aking problema ngayon, iniisip ko lang si kuya Boy at lalong lumalakas ang aking loob para mahanap ang solusyon. Iniisip ko minsan kung sa akin mangyari ang nangyayari kay kuya Boy, mas iniisip ko ang aking asawa at mga mahal sa buhay kaysa sa aking sarili, masasaktan sila kapag nangyari sa akin ang ganitong bagay at lalo akong masasaktan kapag sila ay nasasaktan, doble ang hampas nito sa akin.

May problema ka ba? Gaano ba ito kabigat? Kasing bigat ba ng kay kuya Boy? o mas mabigat pa?

KAYA MO 'YAN!

Thursday, July 1, 2010

KOY sa parekoy

Pare koy, Parekoy, pare ko'y at parecoy, Saan ba nanggaling ang salitang ito? Ito ay theory ko lamang, maari itong nanggaling sa "Pare" "Ko" at "Ay". Isang salitang bitin. Ang pare koy ay dapat may kasunod na salita, kagaya ng, Pare koy mabait, pare koy mayabang, pare koy masarap, pare koy tarantado at kung ano ano pang dapat isunod sa salitang AY. Hindi ko alam ang salin ng salitang Pare sa English, pero parang ang pinaka malapit ay My Friend, sa madaling salita ang pare ko ay "My Friend is" na maaring mag evolve kung mauuso dito sa Pilipinas, My Friend is > Friendis > Frienish > Frenis > Frens > Prens. sa madaling salita mapupunta rin sa pren. Bakit nga ba ang kumpare ay nagkaroon na pacute na salita? hindi ba dapat meron din ang iba, gaya ng Mare koy, tatay koy, mama koy, kuya koy, tita koy, tito koy, kapatid koy, lola koy, lolo koy, suki koy, kapitbahay koy at marami pang koy na pwedeng lagyan.

Langaw ka pa rin!

So mahirap ako? oo, tama, eh ano naman ang masama sa pagiging mahirap? Kung makapanglait ka akala mo isa ka ng ganap na mayaman. Hindi ba noon nakatrike ka lang nagseseatbelt pa dahil sa pagiging ignorante mo? di ba noon ngumingiti ka tuwing nakakasalubong kita? Hindi ka makapag-aral dahil sa inyong kahirapan, napakabait mo at napakasimple, at minsan pinangarap ko na maging mayaman ka dahil alam kong marami kang matutulungan kung yayaman ka. At nakakita ka nga ng pagkakataon para yumaman, ang asawanin ang isang banyagang nagsikap para yumaman. Naging asawa mo siya at sumusunod na ang porma mo sa porma niya, isa ka ng fashionista. Bigyan mo lang ng isang napakagandang gabi ang iyong asawa at kinabukasan mabibili mo na ang gusto mong bilhin, nalimutan mo na rin ang pangarap mong makapag-aral, siguro dahil na rin sa sinabi mong gusto mong mag-aral para may chance ka na yumaman balang araw. Ngayong mayaman ka na, iniisip mong hindi mo na kailangan ang pag-aaral, dahil ang iyong paniniwala, kaya lang naman nag-aaral ang mga Pilipino ay para yumaman, mali ka! Isa ako sa mga nag-aral para matuto at para hindi mayurakan ng isang taong kagaya mo na mayaman na walang pinag-aralan. Mayaman ka na nga ba talaga? Kaya bang bilhin ng asawa mo ang isang dignidad ng isang tunay na marangal at masipag na Pilipino? Nakakalimutan mo na yata ang pinanggalingan mo? Minsan ka ring naging langaw na kagaya ko, ang pagkakaiba lang natin ay ang tinutungtungan, nakatungtong ka sa kalabaw, akala mo mas mataas ka pa sa kalabaw. Dahil sa kinalimutan mo ang tamang pag-uugali at edukasyon, nakalimutan mong kahit ang kalabaw na tinutungtungan mo ay pinapakain at kinokontrol lamang ng isang magsasaka, at kailanman ay hindi ka makakatungtong sa isang magsasaka, dahil itataboy ka lang niya. Langaw ka pa rin!