Tuesday, June 22, 2010

Bye Bye Laptop

Nagliliyab ang damdamin ko sa sobrang panghihinayang at pagsisisi sa ginawa kong hindi naman kasalanan. Wala akong choice kundi gawin ang bagay na iyon, kailangan na kailangan ko ng pera. May nakuha akong buyer sa aking laptop, na di ko na halos mabilang kung ilang buwan ng nakasangla. Ibebenta ko ito ng mababa, sa isang kondisyon, kailangan munang tubusin ng buyer ang laptop kung gusto niyang icheck, at kung ayaw niyang bilhin pwede kong isangla ulit at ibabalik ang perang ginamit niyang pangtubos. Ayon sa mundo ng segunda mano, ang laptop ko ay nagkakahalaga pa rin ng 24,000 hanggang 30,000, ibinebenta ko lang ito ng 18,000 na naging 15,000, na siya namang naging 13,500. Nakasangla ito ng 7,700, butal dahil binabawasan ko tuwing nirerenew ko. At nagkita nga kami ng buyer, nakita ang laptop, tinubos at susubukan sana sa taas ng Jenra Mall, Libre kasi ang Wifi sa third floor. Low batt pala, dahil sa Core 2 Duo ang laptop na ito, naisipan ng buyer na sa bahay na lang niya subukan at kung may problema ay itetext na lang ako. Dumating ang asawa niya at tinatawaran ng 12,000, dahil iyon lang daw talaga ang budget nila para sa laptop, na malinaw ko namang sinabi na saradong 13,500 bago kami nagkita. Alam ko at alam nila na 12,500 mapupunta ang pagpapalitan ng presyo, at doon nga napunta. Naiinis ako sa sarili ko at gusto kong umiyak dahil sa kagipitan nabenta tuloy ang isang gadget na pwedeng gamitin bilang pagpapanggap na kunwari mayaman ako. Sarap sanang pumunta ng starbucks at buksan ang laptop, umorder ng gintong kape, sisipsipin kada 15 minutes habang nakabukas ang laptop at nakatitig lamang sa isang application na binuksan na pwedeng magtype ng asdfjkl ng paulit-ulit hanggang sa may makapansin sa akin na may laptop ako at naka-order ng isang kapeng pang mayaman. Magsusuot rin ako ng T-Shirt na may nakasulat na "Mayaman ako!"