Hindi ko malaman kung anong klase ng langaw ang dumapo sa ulo ko at tumae ng sangkatutak na problema. Ang dami kong mga pending na gawang ID at nasira ang dalawa kong pang print sa mga ito. Ipinagawa ko at tatlong araw kong binabalikan para lang malaman kung ok na o hindi pa. Ikatlong araw nang maisip ko na pwede ko naman palang tawagan ang technician ng printer sa telepono, kaya’t tinawagan ko. Hindi daw nagawa ang mga printer, hindi raw madetect ang ink nito, samantalang nang inihatid ko ay nadedetect naman ang mga tinta. “Ano? Hindi ba’t noong dinala ko diyan ang mga iyan ay nadedetect pa naman ang tinta? Bakit ngayon hindi na? ‘di na nagawa, gumrabe pa at tapos magbabayad pa ako?” mga tanong kong naghahanap ng sagot na, “Ay sir sige ‘wag niyo ng bayaran” na siya naman ang isinagot ng technician. Dahil sa naintindihan ko naman na napagod siya sa pagbubukas, tinanong ko pa rin ng harapan kung magkano ang babayaran, 100 daw, binayaran ko na. Wala ng pagasa kundi bumili na lang ng bagong printer. Saktong may pera naman ako para pambili ng bago, pero hindi na muna ako bibili. Dinala ko ang mga di naayos na printer at bumili na rin ng transparent sticker sa shop ng technician. Pagkauwi ko, binuksan ang mga printer na di naayos, nabuhos ang tinta ng mga ito sa lalagyan na kahon at ang mga binili kong transparent sticker ay nabuhusan. Naalala kong nakasangla pala ang laptop ko at kailangan kong bayaran ang interest nito para hindi ma-remata, magkukulang din pala ang mga pera kong dapat pambili ng printer dahil kailangan kong mai-renew ang laptop. Nagpahiram ako ng pera sa asawa ko sa kanyang trabaho, at kinabukasan dumating nga ang perang hiniram niya. Ayos na sana, mabibili ko na sana ang Printer at marerenew ko pa ang Laptop, pero, wala ng gatas ang mga anak kong kambal, isang gastos na hindi pwedeng ipagpaliban. Konti lang naman ang diprensiya kung irerenew ko ang laptop, bibili ng gatas at bibili ng printer. Pumunta ako sa Pawnshop na tinutulugan ng aking laptop at nabigla ako sa laki ng interest. Ang buong akala ko ay, 6% lamang ang aking babayaran, 14% pala, dahil noong last na dapat i-renew ko ay hindi ko nirenew at ipina extend ko lang ito ng 15 days at iyon naging 14% na ang dapat na 6% lang, ginawa ko na dati iyon at 6% lang siningil nilang interest. Grabe, naglalakad ako sa daan na dala-dala ang sakit ng loob sa isang pawnshop na nilamon lang ang hiniram na pera ng asawa ko. Binili ang gatas at pansamantalang kinalimutan muna ang tungkol sa printer at ang shop. Sarado ang shop ko at kung bukas siguro ito at maayos ang printer, marahil kumita na ito ng higit pa sa presyo ng isa pang printer.
Ikalawang araw. Isang kaibigan ang tumulong sa akin, kaya naman nagkaroon ako ng sapat na pera para pambili ng printer. Pumunta ako sa SM Clark para doon na lang bumili, wala ni isa, at masaklap na balita ay phase out na daw ito, hindi ako pwedeng magpalit ng printer dahil ang CISS nito ay para lang sa specific printer na binibili ko. Ang isa pang taong pumatay sa pagasa ko ay ang taong nakasama ko na sa paglalaro ng Airsoft dati, si Sherwin, na salesman sa isang computer shop sa SM, dalawang araw na daw ang lumipas nang may isang lalaki ang kinuha lahat ng printer na hinahanap ko, kaya naman ni-isa wala akong makita. Kahit patay na ang aking pagasa, muli itong nabuhay nang maisip ko ang enigma, pumunta sa enigma at phase out na daw. Umasa pa rin ako na siguradong sa Laki ng Angeles City ay meron pang isang shop na nagbebenta ng printer na hinahanap ko at wala nga ni isa. Pagasa ko na lang ay ang bagong tayong Mall na malapit sa City Hall, ang Marquee Mall. First time kong pumunta sa Mall na ito, kahit may isang taon na yatang nakatayo. Sa unang shop, wala. Ikalawa, wala. Ikatlo, meron pa daw pito, buti na lang at nagdarasal ako habang naghahanap. Dahil sa first time kong pumunta rito at nalilito sa pagkakagawa ng Mall, mali ang nilabasan kong Exit, Exit sa likod, salamat sa bundok ng Arayat at nalaman kong nasa likod ako. Ink na lang ang kailangan para sa CISS ko, hindi pa rin sapat ang tira kong pera para makabili ng Ink, pero atleast medyo konti na lang ang hahanapin.
Ikatlong araw. Wala ng gatas ang mga anak ko, kaya gagamitin ko na lang ang perang tira galing sa Printer para pambili ng gatas, Back to Zero nanaman. Gagamitin muna namin ang ink na original ng Printer para makaipon ng pambili ng ink. Mukhang meron namang naipon maghapon, at ilang sandali pa ay nagtext ang yaya ng mga anak ko at kukunin na ang sahod. Balewala rin ang mga naipon naming pera para sa ink, dahil iyon muna ang gagamitin ko para sa sahod ng yaya ng mga kambal.
Ikaapat na araw. Isang text mula sa kumpanyang inutangan ko ang nanakot na sa barangay hall na lang daw kami magkikita, dahil ito sa mga overdue ko, wala akong pambayad dahil ilang araw ding sarado ang shop. Mapipilitan akong ibenta ang laptop ko at isa sa mga computer ko, ang problema kailangan ko munang matubos ang laptop. Nasusunog na ang utak ko sa sobrang dami ng iniisip, kaya naman itinext ko ang taong tumulong sa akin, na siyang Pastor ko rin. Itinanong niya sa akin kung ilang taon naglakbay ang mga Israelita bago sila nakarating sa lupang ipinangako, “about 40 years" ang sagot ko. Itinanong niya ulit kung gaano ba dapat katagal ang paglalakbay nila, at itinanong ko rin kung gaano katagal, at ang sagot niya ay “Two weeks”. 2 weeks lang dapat ang itatagal ng paglalakbay, pero dahil sa katigasan ng ulo nila tumagal ito ng 40 years. At sunod sunod na ang kanyang mga payo na napakalaki naman ng naitulong sa akin. Nasa Wilderness daw ako at kailangan akong matuto sa Wilderness na ito. At sasabihin ko ang dahilan kung bakit sa palagay niya at palagay ko na nasa Wilderness ako.
No comments:
Post a Comment