Napakapalad ko dahil hindi ibinigay sa akin ng Diyos ang isang pagsubok na maaring ikasuko ko at maaring magdulot ng isang matinding depresyon sa akin, at sa aking pamilya. Totoong hindi tayo binibigyan ng Diyos na isang pagsubok na hindi kaya ng kapasidad natin, ngunit may mga taong napapakatiwakal ng dahil sa mga pagsubok sa ating buhay. Lahat ng pagsubok na binibigay ng ating Diyos ay kaya nating malampasan, alam niya ang ating kapasidad, ngunit nasa atin na kung tututukan natin ang solusyon sa pagsubok na binibigay Niya. Mas tinututukan ng iba ang epekto ng pagsubok sa buhay nila kaya naman nauuwi sa pagpapatiwakal ang solusyon, at iyon ang maling solusyon. Isa ako sa mga taong laging tumitingin sa maliwanag na parte ng buhay, at laging iyon ang ginagawa kong gabay patungo sa mga solusyon sa aking mga problema, pero hindi ibig sabihin na hindi ako lumilingon sa madilim na bahagi ng aking buhay. Tinitignan ko ang madilim na bahagi, upang ito ay kamuhian at itakwil. Sinasabi ko sa sarili ko na habang nasa kadiliman ako, "Ayaw ko sa lugar o sitwasyon na ito, kailangan kong makatakas, kailangan kong makalaya". Ang unang hinahanap ko ay ang butas na nagbibigay ng liwanag sa kadiliman, at iyon ang simula ng aking paglaya, kung wala man akong makitang butas, ako mismo ang gagawa ng butas na aking hinahanap. Ang mga nagpapatiwakal ng dahil sa kadiliman, sila yung mga taong takot sa dilim at kahit na may makitang liwanag, iniisip pa rin nila na ang kadiliman ay mas malawak sa kaliwanagan, at iyon ang simula ng kanilang pagbagsak. Huwag yakapin ang kadiliman, tapusin ito sa pamamagitan ng liyab ng pagasa sa iyong dibdib, kung wala ng natitirang pagasa sa iyong dibdib sumigaw lang ng "Panginoon tulungan po ninyo ako sa pagsubok na ibinigay niyo, gabayan po ninyo ako!" Kahit gaano pa kalaki ang aking determinasyon sa buhay para makalaya sa lahat ng kadiliman sa aking buhay, ang nasa likod nito ay ang pagdarasal. Sa anumang pagsubok sa ating buhay, ang una at huling dapat gawin ay ang magdasal.
Maari ring gumamit ng mga taong kakilala mo bilang inspirasyon sa kanilang matagumpay na pakikipaglaban sa kadiliman ng buhay. Isipin kung gaano kalaki ng kadiliman mo at ikumpara sa laki ng kanyang kadiliman, kung mas malaki ang sa iyo, isipin mo na kapag nalampasan mo ito, maari kang lumapit sa kanya at ikuwento kung paano mo ito nalampasan para sa ikalalakas ng loob niya. Kung naman mas malaki ang hinaharap niyang kadiliman, magalak ka dahil pinipilit niya itong kayanin at kung kaya niya, kaya mo rin. Isa si kuya Boy sa mga naging inspirasyon ko sa mga problemang hinaharap ko sa buhay. Si kuya Boy ay may Psoriasis, malala na ito at sadyang nakakapanglambot kung ito ay iyong pagmamasdan. Kasama ko si kuya sa trabaho, ilang taon na rin niya itong tinitiis at patuloy ang kanyang paglaban. Iba't-iba na ang mga nasubukan niyang paraan para ito ay malunasan, sa kasamaang palad lalo pa itong lumala na siyang nagpahirap lalo sa kanya. Isang araw hindi siya pumasok dahil sa halos 'di na siya makatayo at pinapahirapan na siya ng husto ng kanyang sakit. Gayunpaman, pinilit niyang tumayo upang pumunta sa aming opisina upang ipaalam sa amin na hindi muna siya papasok at kung pwede siyang magfile sa SSS. Nagkuwento siya, nag-iisa na lang daw siya, ipinalayo niya sa asawa niya ang kanyang mga anak, hindi ko alam kung anong dahilan, pero sa palagay ko ayaw niyang masaksihan ng kanyang mga anak ang kanyang paghihirap at panghihina. Para daw siyang sinusunog at pinupunit ang kanyang balat tuwing gagalaw siya, minsan gusto na niyang mamatay, at kung may papatay man sa kanya ay ikatutuwa pa niya. Natural lang na minsan sa buhay ng isang taong nasa matinding paghihirap ay nagnanais na mamatay, pero hindi ibig sabihin na pagsuko na iyon, 'wag lang itong yayakapin dahil pagpapatiwakal ang kasunod nito. Si kuya Boy, hindi lamang Physical ang sakit na nadarama, kasama na ang mental, spiritual at emotion. Alam niya na kahit papaano ang mga malalapit sa buhay niya ay nandidiri pa rin sa kanya at alam niyang nasasaktan ang mga ito tuwing makikita siyang ganyan. Kung ano man ang aking problema ngayon, iniisip ko lang si kuya Boy at lalong lumalakas ang aking loob para mahanap ang solusyon. Iniisip ko minsan kung sa akin mangyari ang nangyayari kay kuya Boy, mas iniisip ko ang aking asawa at mga mahal sa buhay kaysa sa aking sarili, masasaktan sila kapag nangyari sa akin ang ganitong bagay at lalo akong masasaktan kapag sila ay nasasaktan, doble ang hampas nito sa akin.
May problema ka ba? Gaano ba ito kabigat? Kasing bigat ba ng kay kuya Boy? o mas mabigat pa?
KAYA MO 'YAN!