Ano ang nangyari? Buong Pilipinas pinapanood ang pagiging mabagal at mahina ng ating kapulisan at ilang rescue team. Hindi dapat nauwi sa ganoon ang naganap na hostage taking sa Manila. Kitang kita kung gaano kahina ang strategy ng mga Pulis natin. Hindi ko alam ang camerang ginagamit ng mga SWAT, pero isa itong camerang pwedeng ipasok kahit sa mga maliliit na butas para makita ang nasa loob nito, wala ba sila non? oras na siguro para magkaroon ng ganoong camera sa mga pulis natin. Wala bang spotlight para ilawan ang loob ng bus? Pasalamat rin sila walang granadang inihagis ang hostage taker sa kanila, dahil kung nagkataon, patay lahat ang mga nakakumpol na pulis, sa likod man o harap. Ano yung lubid na inilagay sa pinto ng bus at hinila nila na wala mang isang minuto ay nabali na? Hanggang sa napatay ang hostage taker kitang kita ang pagiging mahina at low tech ng mga pulis na nandoon, pinasok nila ang bus na may usok pa ng Tear gas, Kuhang kuha sa camera ang itsura ng mga pulis na pumasok na masakit pa raw sa mukha ang usok ng tear gas, ano ba naman sila, kahit ba gas mask wala silang dala? Buti naman at yung mataas na opisyal ay nakapagdala ng payong para hindi mabasa sa ulan. Anong ginagawa ni PNOY? 'wag namang sabihing hindi siya pwedeng makialam, dahil dapat siyang makialam kung may mga taong nakataya na ang buhay. Kahit man lamang sana tinawagan niya ang Hostage taker or siya mismo ang nakipagnegosasyon at kahit man lang nagsinungaling na ibibigay ang gusto niya para lang mailigtas ang mga hostages. Siguradong kakalma ang hostage taker kung si PNOY mismo ang makikipagnegosasyon. Dahil ba busy si PNOY at hindi niya linya ang ganoong klaseng senaryo kaya hindi siya nakialam?
Isa pang napansin ko ay ang pagiging magulo ng mga tagapagbalita, si Mike Enriquez na parang hindi nakikinig sa mga kapwa niya tagapagbalita ay hirit ng hirit, hindi man lang pinapatapos na makapagsalita ang mga kasama niya, tanong ng tanong. Kapag pala nininerbiyos si Mike nag-iiba rin ang boses, nawala tuloy ang pagiging astiging imahe niya sa Imbestigador.