July 27, nang una kong makita ang Camcorder na lalong nagpainit sa akin sa pagiging Filmmaker. Kinabukasan, sinearch ko sa internet ang review ng cam, ok naman ito, at tamang tama sa kagaya kong mahirap na nag-aambisyon na maging isang director, writer at Film editor as in all in one package, soon actor na rin. Sa presyo nung shop na nagbebenta ng cam, masyado na itong mura, kumpara sa presyong nakita ko sa internet, ang second hand nito ay halos kalahati lang ng presyong ibinigay ng shop owner sa akin. Ang malaking problema ay maari itong mabili ng iba kung hihintayin ko pang magkapera ako bago ko bilhin. Ang ginawa ko ay nagpaschedule na sa mga nagpapautang sa trabaho ko, para lang mabili ang cam na iyon. Ilang araw akong pabalik balik para sa cam na ito, para lang tignan kung hindi pa ito nabebenta. July 30, ipinareserve ko na ang cam, pero kailangan pa ring magbigay ng advance para sigurado ko itong kukunin. Kung hindi ko ito makuha hanggang August 6, 2010, sa kanila na ang dineposit ko. Halos araw-araw kong kinukulit ang mga nagpapautang, tinitiyak ko sa kanila na sa Biyernes dapat makuha ko na ang pera. Ipinapakita ko pa sa kanila ang resibo ng cam, na may nakasulat na "Pick up on August 6, 2010". Sinasabi ko sa mga nagpapautang na, "Kailangan ko talaga sa Biyernes ha? kung hindi masasayang ang idiniposit ko." Oo naman sila ng oo, lalo na si Mang Boy na siyang may pinakamalaking halagang ipinangako sa akin. Biyernes 100% sure. Dumating ang Biyernes, isinampal sa akin ni Mang Boy ang balitang hindi buo ang ibibigay niyang pera sa akin, lagot na, bukas pa daw ang ibang hinihiram ko. Kailangang gumawa ng paraan. Dahil sa alam kong BAKA BUKAS ibibigay ni Mang Boy ang kulang na perang ipinapautang niya (20% interest, damn!) nakipagsapalaran ako sa iba kong katrabaho at nangako rin, "Kuya, pahiram muna ako ng pera, siguradong sigurado ako(kahit hindi) na babayaran ko bukas." Ipinahiram naman ako ni kuya Nes at tiniyak rin sa akin na bukas ay dapat ko itong bayaran, at tiniyak ko naman sa kanya na babayaran ko siya bukas (come what may na lang). Humiram rin ako sa pinsan ng asawa ko at ganoon rin ang ipinangako, kailangan kong panghawakan ang sinabi ni Mang Boy na "Ibibigay bukas ang kulang sa mga hinihiram ko". August 6, 2010, Official na nasa akin na ang Cam, ang problema, dapat ko itong isangla sa pawnshop para mabayaran ang taong sumama sa akin para maningil, si Mang Bert na kakaputol lang ng daliri sa makina kanina. Ang tindi niya, putol na nga ang dalawang daliri na nakabalot ng puting tela, sumama pa sa akin para lang maningil. Dahil sa ang salitang MALAS ay nasa espiritu na aking makapal na salamin, hindi tinanggap ang cam sa pawnshop, ang dahilan, kulang ito ng mga accesories, na pwede namang mabili kahit sa mga bangketa lang. Buti na lang at pwedeng maisangla ng 2,000 ang cellphone ko, umuwi ng masaya si Mang Bert dahil nabayaran ko siya ng 1,100 at may sobra pa ako. Buti na lang napasaya ko siya sa 1,100 dahil kung ako sa sitwasyon niya, kahit bigyan pa ako ng sampung libo ay hindi ako sasaya dahil nawawala ang index at middle finger ko. August 7, 2010, ang araw na dapat sasahod ang yaya ng mga anak kong kambal, wala akong pera kaya babalik din ako sa pawnshop para isangla ang cam na nabili ko, kailangan muna akong dumaan sa mga bangketa para bilhin ang hinahanap nila sa pawnshop na accesories, USB at Jack. Masayang umuwi ang yaya ng aking mga anak dahil naibigay ko ang sahod niya, nabayaran ko rin si Kuya Nes at ang pinsan ng asawa ko dahil maliban sa isinangla ko ang pinapangarap kong Cam, tinupad rin ni Mang Boy ang pangako niya. Isa akong dakilang Filmmaker/Camera man na nasa pawnshop ang camera. Sa Biyernes ko na tutubusin. Focus muna sa screenplay.