Thursday, June 14, 2012

Juan The Networker: Job Seeker - PMDI

Bago simulang ikuwento ni Juan ang kanyang buhay na punong puno ng kulay, Sa mga makakabasa nito, ito ang mas modernong bersiyon ng nauna ko ng isinulat na talambuhay ni Ahrean na di rin natuloy dahil sa walang direction ang kuwento. Game!

Day 1:

"Welcome Back!" Iyan ang mababasa sa WALL ko daily. Wall ko, as in wall talaga, ding ding ng kuwarto ko. Sinulat ko iyon sa likuran ng poster ni Angelica Pangniban, iyong poster ng Ginebra na pinotoshop si Angelica, inalis ang bilbil. Binaligtad ko na lang at gumawa ng malaking sulat na "Welcome Back!". Ginawa ko ang poster na iyon para hindi naman ako malito kung sa mundo ng mga buhay ako nagising o sa mundo ng mga masasamang espiritu. Nagsawa na rin ako sa serbisyo ni Angelica kasi, alam niyo yon! Up, down, Up, down times 100 then aaaaaahhhhhh! Tissue! sa mga mayayaman, sa akin, panyo o basahan lang. Well, bahala na kung ano man ang isipin mo basta iyon na iyon. Madalas kasi akong magising sa mundo na may mga paro parong biglang nagiging ipis, mundo na mahirap makasuntok, mundo na ang bagal kong tumakbo, sa madaling salita, panaginip. Kapag napansin mo parang ang hirap sumuntok o kaya tumakbo, nananaginip ka lang. Isa ang poster na patunay na hindi panaginip ang mga nangyayari kapag nagising ako. Na-iset ko na sa isip ko kahapon pa na maghahanap ako ng trabaho ngayong araw na ito. As usual, ang almusal ang nakakasawang sounds na baby baby baby oooooohhhh! Kinanta mo pustahan tayo! Basta umaga iyan na ang pinapatugtog ng kapitbahay kong wala ng ginawa kundi magbenta ng mga kapeng kakaiba 4 in 1 daw, Cream, Sugar, Coffee at isinama ang balat para maging 4 nga, ganoon din naman sa amin eh, 6 in 1 pa nga, Kape, Asukal, Creamer, Tubig na mainit at yung mga nadedong langgam sa asukal, sabon na sampong beses ang presyo sa safeguard, dishwashing liquid na presyong AVR ng computer, Pabangong di nawawala ang bango sa loob ng limang minuto at ang paborito ko sa lahat, yung pampapayat daw, kung hindi niyo naitatanong, medyo chubby ako, at pinapangarap ko talagang masubukan ang pampapayat niyang produkto. Ligo, almusal, toothbrush at sasakay na ng jeep para makapaghanap ng trabaho.

Nakarating ako sa siyudad ng Angeles at pumunta sa mga mall na may mga bulletin board. Ang daming hiring, pero hindi ako qualified, puro pambabae ang nakikita kong nakadikit. No choice kundi umuwi at magpakalunod na lang muna sa kakapanood ng teleserye ng GMA7. Sasakay na sana akong jeep nang may isang lalaking pawis na pawis ang namimigay ng mga papel at ito ang nakasulat:


Todo sa smile ang nagbigay ng flyer sa akin kaya naman kinuha ko ang number niya, mukhang malaki nga ang kinikita niya touch screen ang cellphone niya at CDR-king ang tatak, di ko pa naririnig ang CDR-King pero mukhang bagong uri ng cellphone, siya ang may pinakaunang cellphone ng CDR-King siguro, kasi nga 12,000 to 50,000 ang kita niya. Matapos niyang ikwento ng konti ang kanyang kumpanya na ang pangalan daw ay PERA ME DIN Incorporated, niyaya niya akong sumama sa office nila. Nang makarating ako sa office nila, ako ay nagbigla dahil napakahumble na tao ng magiging boss ko, nagpapasahod siya ng 12,000 to 50,000 pero ang office niya ay parang yung bahay lang namin, humble siya, gusto ko to. Pinakita niya ang kanyang negosyo at totoong nakakabaliw talaga, possible pala akong maging milyonaryo sa kumpanya niya , ang kailangan ko lang naman tandahan ay ang POWER of 2 na sinasabi niya. Next Year milyonaryo na ako! Pero sabi nung boss, 'wag ko daw muna ikuwento sa mga kakilala ko, baka daw di nila maintindihan, at kailangan ko munang magbayad ng 4,000 kapalit ng mga sabon at kape at mga vitamins daw. Ang bait talaga ng boss ko, sa iba nga ang kapalit lang ng pera mo ay papel, police clearance, nbi clearance, barangay clearance at kung ano ano pang clearance. Pagkauwi ko hahanap ako kaagad ng 4,000. Ang dali lang non eh, PSP ng pinsan ko hiramin ko tapos benta ko, sabihin ko nawala ko tapos babayaran ko na lang, isang sahod ko lang yon may sobra pa. Bibilhan ko na lang siya ng bago, palalagyan ko pa ng paborito niyang laro, tekken at tetris. 

Teka, naalala ko pala. Ang kapitbahay kong Baby Baby Baby oooooohhhh! Parang ganito rin ang negosyo ha. Matanong nga siya kung sa PERA ME DIN Inc. din siya nagtatrabaho, pero hindi siguro, kasi nasabi nung boss na walang benta benta, gagamitin ko lang daw at isheshare kikita na ako. Tapos kapag natutulog ako dumadami na ang aking pera. Astig! di na ako makakatulog nito mamayang gabi, paano ako kikita kung di ako makakatulog? kasi ang pagkakaintindi ko, ang malaking kita ay nasa pagtulog. Tapos ang power of 2, siguro di ko pa masyadong gets, ang sabi lang kasi, mag-invite lang ako ng dalawa eh. Kahit naman sampo pwede akong mag-invite, pero stick to 2 muna ako. Bayaran ko muna tapos iinvite ko si Lola at Lolo.

At nakauwi rin ako. Pakiramdam ko, mayaman na ako, hindi na dapat ako umasal iskwater, kailangan asal mayaman na ako at kailangang medyo ayusin ko na ang pagkilos ko, praktis. Ang sarap ng pakiramdam at nakilala ko yung taong namimigay ng flyers, nakalimutan ko ang pangalan niya. Magkikita rin naman kami ulit eh. Bukas ang lakad ko ay pumunta sa pinsan ko para hiramin ang PSP. 

No comments:

Post a Comment