(Reposted. Galing sa dati kong blog)
Isa na lang ang kulang aalis na! Yan ang madalas na marinig sa mga sasakyang pampasahero ngayon. Ngunit madalas at alam nating lahat, na hindi isa ang kulang kundi kalahati na lang. Halos lahat sa atin ay nakaranas na ng isang matinding pagpapanggap, na kunwari ay naka-upo tayo sa jeep, pero ang totoo ang mga tuhod natin ang nagbibigay ng enerhiya para tayo ay manatiling magmukhang naka-upo, at nagkukunwaring hindi nahihirapan. Minsan may pasuklay effect pa o aayusin kunwari ang buhok para 'di halatang nanginginig na ang mga tuhod. Nangangamba 'pag may pa-likong daan, dahil alam mo na matinding pwersa ang babanatan ng mga tuhod mo o ang mga kamay mo na lumalabas na ang ugat, kakabanat sa hawakan ng jeep sa taas, binubuhat ang sarili para di mahulog. Hanggang kailan ba mananatili sa isip ng mga driver ang mentalidad na ang jeep nila ay may partikular na kapasidad na makapagsakay ng partikular na bilang ng pasahero? Iniisip nila ang jeep nila ay tig-walo, Siyam o sampo ang magkabilang panig. Binabase nila ang kapasidad sa normal na laki ng isang tao, Salamat na rin at di sa isang pwet na bata ibinase ang kapasidad ng sasakyan nila. Maraming mga pasahero ang may salbabida sa tiyan, at kumukunsumo ng extra space, ngunit ang kapasidad ng mga jeep ay nakabase pa rin sa isang normal na laki ng isang pasahero. Paano kung may sumakay na sampung matataba sa kanila? Ang hirap kasi sa kanila ay pinagpipilitan nila ang paniniwala nila na magkakasya ang ganyang bilang sa kanilang jeep. Sino ba ang biktima? Tayong mga pasahero na humahabol sa oras. Sabihin na nating nasa pasahero na kung sasakay siya sa isang masikip na jeep, na alam niyang kalahating puwet lang ang makakaupo, oo, tamang nasa pasahero iyon, pero paano kung walang magtitiyaga na sasakay dahil masikip na? Iaalis ba iyon ng driver? Hindi, maghihintay siya ng mabibiktima niya na magtitiyaga sa katiting na pwestong natitira, o kaya naman ay maghihintay siya ng may magsabing "Ilan pa po ba ang kulang? babayaran ko na lang". Walang magagawa ang mga biktimang pasaherong nakasakay na, kundi maghintay ng isa pang nagmamadaling handang magtiyaga sa katiting na pwestong natitira. Makikita sa mata at kilos ng mga pasahero na huli na sila sa kanilang trabaho o mga appointment. At itong si ganid na driver naman ay cool na cool lang, hintay pa rin ng hintay. Isa pang malaking nakakabanas sa ibang mga driver ay yung halos wala ng puwesto sa loob tigil pa ng tigil sa bawat kanto at tumitingin kung may naglalakad na tao na maaring sumakay sa kanila. Ang tagal maghihintay, di naman pala sasakay. Totoong ginagawa ng mga ibang driver ang bagay na iyon dahil kailangan din nilang kumita, mahirap na daw kasi ang buhay ngayon. Kailan ba dumali ang buhay? Sinasabi nilang mahirap na daw ang buhay ngayon, pero di nila alam na minsan sila ang nagpapahirap sa buhay ng isang pinoy. Isang minutong paghihintay sa isang taong naglalakad sa kanto na hindi man lang alam kung sasakay o hindi, ay malaking epekto na sa mga nakasakay na pasaherong nagmamadali. At ang lalakas pa ng loob ng ibang mga driver ang magwelga para itaas ang pamasahe. Karapat dapat bang itaas? Paano kung mga pasahero naman ang magwewelga para sa Maayos na serbisyo? Pagbibigyan ba sila? Nasaan na ang Maayos na serbisyong maayos na makaka-upo ang bawat pasahero na walang isang naghihirap at nanginginig ang tuhod para lang makarating sa lugar na pinupuntahan niya. Anyway, hindi lahat ng driver ay ganid at masama, may mga mabubuti ring driver at marunong umintindi sa mga mata ng pasaherong mahuhuli na sa trabaho. Apat sa mga Tito ko ay driver, isa sa mga 41(and counting...) kong pinsan ay driver, at hindi ko alam kung isa sila sa mga mababait o ganid na driver.
"Basta Driver, Sweet Lover!" Sana man lang maging sweet din sila sa mga pasahero, at mahalin na parang kamag-anak ang bawat nakasakay sa jeep.
No comments:
Post a Comment