Sunday, May 23, 2010

Sinagot na ng Diyos ang ating dasal

    Napakabigat ng pakiramdam ko kahapon, hindi dahil sa sakto lang ang pambili ko ng gatas para sa mga anak kong kambal, at lalong hindi rin dahil may sakit akong nararamdaman, higit pa sa physical na sakit ang aking naramdaman. Ano ba ang pakiramdam na makita mo ang pitong buwan mong anak na naghihirap at yakap na yakap sa iyo dahil sa sakit na nararamdaman? Si Floyd, na bunso sa dalawa kong anak ay nakaramdam ng isang matinding sakit kahapon, sa sobrang sakit na nadama, ayaw niyang bumitaw sa pagkakakarga sa kanya. Kitang-kita ang kanyang paghihirap, pinagpapawisan ng malamig at kitang-kita sa kanyang mukha ang bakas ng sakit na nadarama. Pitong buwan lang si Floyd, hindi pa niya kaya ang kahit anomang sakit. Hindi kami sigurado kung ano ang nararamdaman niya, pero dahil gustong-gusto niyang nakakarga at naiipit ang kanyang tiyan sa aking dibdib, inisip naming masakit ang kanyang tiyan. Ilang oras siyang nakakarga at patigil-tigil na iyak, siguro tuwing susumpong atsaka iiyak. Dahil sa sariling akala lang namin na tiyan ang masakit sa kanya, pina-inom na lang siya ng gamot at may ipinahid ang kanyang ina sa kanyang tiyan. Gustong-gusto ko na talaga siyang idala sa hospital, dahil hindi ko na rin kayang tignan ang aking anak na tinitiis ang sakit at hinihintay itong mawala, pero hindi sapat ang aking pera para ipadala siya sa hospital. Magiging tapat ako, may sarili akong negosyo at kumikita rin naman ito, pero napupunta lang ito sa mga utang na binabayad at sa pang-araw-araw na pagkain, kaya halos sakto lang kami para makapamuhay ng masaya, masaya kung walang nagkakasakit, dahil kung meron, mahihirapan nanaman akong maghanap ng mauutangan para  pambayad sa hospital, at hindi ganoon kadaling maghanap ng mauutangan. Naalala ko ang sinabi ng Pastor ko, “The first and the last thing you do, is PRAY”. Habang karga-karga ko si Floyd, naglakad-lakad ako sa labas at nagdarasal at pagkatapos kakanta ng mga worship at praise song. Dahil sa napakahina ng aking pananalig, hindi pa rin nawawala ang sakit ng aking anak. Pigil na pigil ako sa sarili ko, gustong-gusto kong umiyak dahil ‘di ko na talaga kayang nakikita ang paghihirap niya, pero hindi ako pwedeng magpakita ng panghihina ng loob sa harap ng aking asawa, kailangan akong manatiling matatag at kalmado upang manatili rin siyang matatag. Naglakad ako at pumasok sa kwarto habang karga-karga si Floyd, nagdadasal at humihingi ng tulong sa Diyos. Naniniwala ako na ang DASAL ay isang klase ng gamot, nasa pananalig na lang ng nagdadasal kung magiging mabisa ito. Ipinakarga ko muna sa aking ina si Floyd at ako’y pumasok sa banyo, lumuhod at nagdasal. Sadyang mababa talaga ang pananalig ko, dahil kung talagang buo ito, hindi na ako mag-aalala at ipagtitiwala na sa Diyos ang nararamdaman ng aking anak. Kinuha ko ang cellphone ko, tinext ang aking pastor, sinabi kong ipagdasal ang aking anak at mag-agree siya sa akin na gagaling siya na kagaya ng sinabi ng bibliya,


“Again I say unto you, That if two of you shall agree on earth as touching any thing that they shall ask, it shall be done for them of my Father which is in heaven.”Matthew 18:19


Ilang minuto lang at nagsuka si Floyd ng napakarami, pangalawang pagsusuka na ito. At biglang nagreply si Pastor ng “Nagdasal na kami” (sila ng asawa niya). Biglang nakatulog si Floyd at tumigil na sa pag-iyak at mukhang mabuti na ang kanyang pakiramdam. Nagreply ako sa aking Pastor ng “Sinagot na ng Diyos ang ating dasal”.

    Sa sariling karanasan kong ito, dito ko nakita at naramdaman ang pakiramdam ng isang magulang habang nakikita ang kanyang anak na naghihirap. Ano ba ang pakiramdam ng aking ina noong na-aksidente kami? Ano ang naramdaman niya nang makita ang ilang buwan niyang unang anak na naliligo sa sariling dugo at ang pagasa niyang mabuhay ay bente porsiyento lamang? Nangyari ito noong sanggol pa lamang ako dahil sa isang aksidenteng kagagawan ng isang amerikanong wala sa sarili habang nagmamaneho, basag ang bungo ko at nagkaroon ito ng butas, na nanatili pa rin hanggang ngayon. Itinakbo kami sa hospital at milagrong nakaligtas ako sa kamatayan. Halos sumabog ang aking damdamin na makita ang aking anak na naghihirap dahil sa sakit ng tiyan. Ang ina ko naman ay halos ikamatay na makita akong walang malay at naliligo sa sarili kong dugo, ano pa kaya na nakita ng Diyos Ama na inalipusta, binastos, ipinako sa krus at pinatay ang kanyang anak ng mga taong nilikha niya? Namatay si Kristo para sa ating kasalanan, iniligtas niya tayo sa ating orihinal na kababagsakan, ang impiyerno. Ang tanging gagawin mo lang ay tanggapin na siya ang iyong tagapagligtas at talikuran ang mga kasalanan mo at simulang ikalat ang mabuting balita na ipinangaral niya. Ano ang pakiramdam ng Diyos Ama kung binabalewala mo lang ang pagkamatay ni Kristo?


No comments:

Post a Comment